Panawagang mag-strike
Ang karapatang makapag-aral at makatanggap ng de-kalidad na edukasyon ay kailanman di dapat malimita sa maykaya o sa mga nakakaluwag sa buhay. Kasama ng pagkain, tahanan at pamilya, ang edukasyon ay maaari na ring ituring na isang basic na pangangailangan ng indibidwal. Tingnan man natin ito sa aspeto ng pansarili o panlipunang pag-unlad. Article 14, Section 1 na mismo ng 1987 Constitution ang nagsasabing “The State shall protect and promote the right of all citizens to quality education at all levels and shall take appropriate steps to make such education accessible to all.”
Kung gayon din naman pala, paano mabibigyang justification ang panukala ng gobyernong pagsasapribado ng mga SUC’s? Sa ilalim kasi ng RPHER (Roadmap to Public Higher Education Reform), ang sinusunod na skema ng CHED, target ng gobyerno na pagdating ng 2016, 22 sa mga pinaka-“abanteng” SUC’s ay may kapasidad ng sumagot sa 50% ng total nitong gastusin. Ibig-sabihin, kalahati na lamang ng budget ng unibersidad ang sasagutin ng gobyerno. Tama ba yun?
At ano nga ba ang epekto ng ganitong klaseng polisiya sa mga mag-aaral ng UP? Una, dahil nga pwersado ang mga SUC’s na makapagraise ng sariling pondo para sa pagpapatakbo ng unibersidad, pumapasok sila sa iba’t-ibang public-private partnership at nagsasagawa ng commercialization measures.
Imbes na nagagamit ang mga lupa ng UP sa mga pang-edukasyong pasilidad, tinatayuan na ito ng mga mall, park, at iba pang commercial na establisyemento. Ilan sa mga ito ay ang TechnoHub at ang bagong itinatayong UP Town Center sa dating lupa ng UPIS. Parte ng kita o kikitain ng mga ito ay napupunta sa UP.
Dahil malaki pa rin ang kakulangan sa budget ng UP, di maglalaon maaaring magkaroon ng pagtataas (muli) ng tuition. At sa kasalukuyan nga, sa huwad na tution fee bracketing system o STFAP, unti-unti nang pinapadulas ng admin ang pagtataas ng “base tuition” mula P1000 kada yunit sa P1500. Kinakailangang magsumite na ng ITR ang estudyante para mapatunayang siya ay pang-Bracket B lamang (o kaya lamang magbayad ng P1000/yunit). Dati ay wala namang ganitong protocol. Kung iisipin, ito ay maituturing na ring isang porma ng panggigipit sa etudyante. So kailangan mo pa talagang mapatanuyanang “mahirap” ka o di kayamanan para payagan kang di magbayad ng P1500/unit?
Bukod pa rito, huwad ang STFAP dahil ang pagdami ng mga estudyante sa Bracket A ay hindi naman nag-eequate sa pagdami ng mga estudyante sa E1 at E2. Sa katunayan, lalo pa ngang bumaba ang bilang ng mga estudyante sa Brackets D at E. Ito ay dahil na rin sa patayang pag-aapply sa STFAP. Tunay nga bang napakikinabangan ng mga iskolar na kapos ang STFAP o isa lamang din itong income generating scheme ng admin?
Bukod dito, sa susunod na sem, ipapatupad na rin ang pagsingil ng lab fee sa mga PE classes na gumagamit ng kwarto o pasilidad ng gym. Tinitingnan na rin umano ang posibilidad ng pagsingil ng 1000/unit para sa mga PE classes sa mga susunod na taon.
Ang sinasabing 44% increase sa 2013 budget ng SUC’s ay isang obvious na panlilinlang lamang. Kay PNoy na mismo nanggaling na “Paalala lang po: lahat ng ginagawa natin, may direksyon; may kaakibat na kondisyon ang dagdag-budget na ito. Kailangang ipatupad ang napagkasunduang SUC Reform Roadmap ng Commission on Higher Education (CHEd).” Sa susunod na taon, at sa mga susunod pa, gaanong budget cut na naman kaya ang matatanggap ng SUC’s?
Ang katotohanan nga, 0.31% lamang ng projected GDP ang proposed budget ng DBM para sa SUC’s next year. At nananatiling nasa humigit-kumulang 2% lamang ang budget allocation ng gobyerno sa kabuuang education sector; malayo sa mungkahing 6% ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) para sa mga developing countries.
Hangga’t naniniwala tayo sa pagpapanitili ng pampublikong karakter ng UP, kailangang magmula mismo sa atin ang pagtutol sa komersalisasyon at pagtataas ng tuition at iba pang bayarin sa UP. Mahalagang maintindihan ng lahat na ang UP ay isang public school at ang pagiging “iskolar ng bayan” ay bukod pa o lalong higit pa sa pagkakaroon lamang ng dekalidad na edukasyon o disenteng pasilidad sa pag-aaral – ito ay pagsisilbi sa bayan. Hindi private school ang UP na ang layunin ay kumita at makapagprodyus lamang ng matatalinong graduate; ang UP ay tapat sa konstitusyon sa tungkulin nitong magbigay ng mahusay na edukasyon sa lahat ng Pilipino. Ang mga graduate ng unibersidad ay mga tagapagtaguyod ng hinaharap ng bansa at may pananagutan sa masang nagpapaaral sa kanya.
